
Microcosm. Isang salita na recently ko lang natutunan, at sa sobrang tuwa ko sa salitang ito, e lagi ko na siyang ginagamit. Ginagamit ko sa formspring, sa tumblr at dito sa blogger. Hindi ko maipaliwanag kung paanong impluwensya ang binibigay sa akin ng ganitong klaseng salita, pero lubha akong naapektuhan nito, simula ng matutunan ko ito sa aking kapatid sa UP.
Simple lang ang kahulugan ng microcosm. Isang maliit na mundo, o "miniature world" sa ingles. Naalala ko pa kung paano ginamit ng kapatid ko ang salitang ito. Sabi nya, astig daw dahil ang eleksyon pala sa UPSC sa kanila, e "microcosm" ng eleksyon sa Pilipinas. Na sa pagkakaintindi ko, e kinukumpara niya na ang UPSC ay isang maliit na representasyon ng eleksyon sa Pilipinas. Hindi ko na lang itinanong sa kanya kung bakit. Pero may ideya na ako kung ano ang nangyayari sa eleksyon sa UP. Tiyak ko, may ideya ka na rin kung ano ang nangyayari dun.
Pero hindi lang iyon ang matatawag kong microcosm, dahil kahit ang block ko sa Don Bosco e parang microcosm din ng lipunan sa Pilipinas. Libre ka ng mag-imagine kung anong mangyayari sa bansa natin kung kami ang mamumuno. Haha. Syempre, kasama din ako sa "mundo" ng mga ECE sa Don Bosco. Pero mas partikular kung ihahalintulad natin sa pamumuno sa Pilipinas ang section ko. Kase dun naman talaga dapat magsimula. Kung saang lupalop ka man naroon, dun dapat magsimula ang pagbabago.
Hindi pangkaraniwang katarantaduhan ang nangyayari sa section ko. Maihahalintulad mo ito sa pamamalakad ng mga pulitiko sa Pilipinas. Na meron lang namang dalawang napaka-prominenteng katangian. Duwag at mayabang. Oo, ganyan ang klase ng lipunang kinabibilangan ko ngayon. Merong mga taong sobrang yabang at may mga taong napakaduwag sa komprontasyon. Hindi mo maiisip kung saan ka ba lulugar sa kanila. May mga taong saksakan ang yabang kung sila'y makapagmalinis, at may mga tao rin namang akala mo matapang, pero wala naman talagang ibubuga. Parang mga pulitiko sa Pilipinas. Niyayakap ang lumang sistema, walang pakialam sa ikabubuti ng iba, at sobra ang crab mentality. At katulad ng pulitika sa Pilipinas, isang paksyon lang ang responsable sa ganitong mga kalokohan. Hindi naman lahat ng pulitiko sa bansa natin e, tiwali. Minsan, kung sino pa ang may kakayahan na makapamuno ng wasto, e sya pa ang nagpapaumpisa ng katiwalian. Ganyan katalamak ang katarantaduhan sa'king butihing ECEA. Nilalamon na ng kawalang-pagkakaisa ang nakagisnan kong bloke.
Tulad ng pamahalaan, may kalaban din naman ang mga duwag at mayayabang na ito. Ang mga rebelde tulad ng MILF at Abu-Sayaff dito sa Pilipinas. Itinakwil ng pamahalaan dahil sa kanilang pagmamagaling at pagmamalinis. Ang mga rebeldeng ito, na minsan ring naging parte ng pamahalaan, e nagbaka-sakaling mapag-isa ang bulok na sistema, o yung iba naman, e nakalaban ng ilang opisyal ng pamahalaan, ay pilit na humahanap pa rin ng pagbabago para sa kanilang bansa. Pero sigurado ako, mabibigo rin sila, dahil sa libu-libong sundalo na ipapadala ng mga promotor ng gulo. Hindi nila kakayanin ang mga "backer" ng pamahalaan. Hinding - hindi nyo sila kakayanin. Dahil tiyak ako, hindi sila mga pangkaraniwang tao.
Unahin natin si Erap. Oo, si Erap. Yung masang-masa ang dating. Pag nakita mo, ang bangu-bango ng pangalan niya. Artista e. Action star. Household name. Hindi siya pangkaraniwang "backer" dahil siya ang may hawak ng jueteng payola sa Pilipinas. Meron din kami niyan. Meron din siyang pinanghahawakang samahan at mga kaibigan. Household name din siya. At masang-masa ang dating. Ganyan siya katinik. At tulad ng sa SONA ni Erap, "walang kaibi-kaibigan, kama-kamag-anak.", ganoon din siya. May integridad sa trabaho at bayan. Pero sa realidad, hindi siya ganoon. Makikita mo kung sinu-sino lang talaga ang pinapaboran niya sa kanyang termino. Hindi mo siya ma-iimpeach kung sa section namin ang pag-uusapan. Sisimulan mo palang ang korte, adjourned na. Ganoon kalakas si Erap. Untouchable. Indestructible. Hindi mo pwedeng salingin kase hindi mo siya kakayanin. Kaso ang pagkakaiba lang nila ng totoong Erap, e mas matalino, mas tuso at mas mayabang siya sa totoong Erap. Panis na panis si Joseph Estrada sa taong ito.
Syempre, kung meron tayong Erap, meron tayong Cory Aquino. Ang reyna ng Demokrasya. Ang simbulo ng kapayapaan. Ang pinakamabait na presidente natin sa Pilipinas. Siya ang nagtapos ng Martial Law sa Pilipinas. Sa school, isa siya sa mga simbulo ng kapayapaan at pagkakaisa. Napakaswabe ng style ni Tita Cory. Hindi ka naman niya pagsasabihan o ano. Dahil aura pa lang niya, titiklop ka na. Hindi mo siya kayang sirain. Hindi mo siya kayang pagsabihan. Hindi ka bubuhayin ng private army niya. Daig pa sa Martial Law ang censorship kapag ginago mo ang taong ito. Kahit may punto ka, babarilin ka pa rin. At dahil si Tita Cory ang isa sa pinakamababait nating presidente, siya ang pumapagitna kapag may sigalot sa pamahalaan. At epektibo naman dahil sa imahe niyang kabutihan.
Hindi pa diyan nagtatapos ang gabinete ng pamahalaan sa ECEA. Hindi puwedeng puro ehekutibo lang ang nagpapatakbo sa pamahalaan. Siyempre, andyan din si Chief Justice Hilario Davide. At sa opinyon ko, si Chief Justice ang pinakamakapangyarihan sa kanilang lahat. Hindi malalagay sa posisyon si Tita Cory at si Erap kung hindi ito sumang-ayon sa moralidad ng ating butihing Chief Justice. Hindi sila makakapanumpa sa tungkulin kung wala ang approval nya. Halos lahat ng internal affairs na-handle ng Chief Justice. Siya din ang humuhusga sa mga suliraning pang-moralidad at suliranin sa loob ng bloke. Isa siya sa pinagkakatiwalaang hukom ng lahat dahil sa kanyang malinis na pangalan at magandang credentials. At base sa aking karanasan, naranasan ko na kung paano humatol ang Chief Justice. Swabe sa sentensiya. Hindi mo mahahalata. Ganoon siya katindi. Siya ang tunay na "backer". Dahil lagi siyang nasa likod. Hindi mo siya makikita sa frontline. May mga taong gumagawa ng mga gusto niyang iparating para sa kanya.
Siyempre, kung merong ehekutibo at hudisyal, meron ding dapat legislative part ang isang pamahalaan. At siyempre, meron din kaming senador. Ang pinakamatapang na senador na hinding-hindi ka uurungan. Si Miriam Defensor-Santiago. Sa lahat ng senador, isa si Miriam-Defensor Santiago sa pinakamatalino. Isa siya sa mga may pinakamagandang credentials. Kung makikita mo ang pinag-aralan niya, maiinggit ka talaga. Nakapunta pa nga siya sa ibang bansa, di ba, sa Harvard pa. At sa pamahalaan natin sa Pilipinas, meron siyang punto kapag nagbibigay ng privilege speech. Ganito rin naman sa section namin. Magaling si Miriam, may punto ang kanyang mga sinasabi, subalit, tulad ng sa Pilipinas, lagi siyang wala sa lugar. Nakakairita. Parang si Kris Aquino kung sumahod sa spotlight. Para bang kung makikita mo siya lagi, gusto nyang isampal sa iyo ang lahat ng kanyang napag-aralan. At dahil senador si Miriam, marami rin siyang nagagawang batas, na kung pag-aaralan mo, e parang siya lang lagi ang unang makikinabang.
Pero ang pinakahinahangaan kong pulitiko sa section namin, ay si First Gentleman Mike Arroyo. Walang tatalo sa tindi ng kapal ng mukha ni First Gentleman. Hindi mo kakayanin ang tindi niya. Political immunity, political perks, lahat na. Hindi natatapos ang benefits nya sa pamumuno. Isa siya sa mga pinakatinitingala kong pulitiko na hindi ko maisip kung paano ko maisasalarawan kung gaano siya katalino, katuso, kayabang, kagaling dumiskarte at kung gaano ba talaga kakapal ang pagmumukha ng taong ito. Pero di tulad sa totoong First Gentleman, matapang itong sa section namin. Naghahamon ito ng direktang comprontasyon. Nakakatakot kung siya'y manghamon sa publiko. Manginginig ka sa katatawa. Hangang-hanga din ako kay First Gentleman kung gaano siya kaloyal sa administrasyon. Kung gaano siya kaloyal sa perks and benefits. Kung paano niya nakakasundo ang mga taong ganid sa kapangyarihan. Iba siya. Ibang-iba talaga.
Nahahaluan tuloy ng mga bulok na prutas, yung mga naninirahan sa section ko. Yung ibang wala namang kinalaman nadadamay tuloy. Tulad ng Pilipinas, hindi naman talaga masama ang section ko, katunayan, isang subersibong paksyon lang naman ang nagpapatakbo sa imahe ng aming butihing bloke. Nakakaawa lang sapagkat yung ibang mamamayan na tunay na nagsisikap at nakikisama sa iba, e naikukumpara na rin dahil sa mga paksyon na ito. May pag-asa pa namang mabago, pero hanggang hindi natin tinatanggal ang mga tiwaling pulitikong ito sa kanilang pwesto, kahit kailan ay hindi magkakaroon ng tunay na pagkakaisa. Laging may maiiwan. Laging may maeetsapwera.
Pero, sino nga ba ako sa blokeng ito? Isa ba ako sa mga pulitikong nagpapatakbo at nagpapabango ng pangalan? O isa ba ako sa mga mamamayan na patuloy na namumuhay lang na walang pakialam at nagdadasal na sana ay magbago? O maaring isa rin ako sa mga rebeldeng naitakwil dahil sa salungat na paniniwala? Simple lang ang maisasagot ko diyan. Mas makapangyarihan pa ako sa mga pulitiko na yan. Mas may pakialam pa ako sa mga mamamayan na yan. At lalong mas malala ang pagkasalungat ko sa mga rebeldeng yan. Dahil ako ang mass media. Ang nagbabalita ng totoo at di-totoo, ng masama at ng mabuti, ng good or black propaganda. Ikaw na ang bahalang humusga kung anong klaseng balita nga ba ang inihayag ng mamamahayag.