Thursday, March 10, 2011

Ang Pambura, Bow.
























Ano bang ginagawa ng pambura? Kung pilosopo ka, malamang ang sagot mo sa'kin, e di nagbubura. Kung medyo matalino ka, nagtatanggal ng mali sa isang komposisyon. At kung bastos ka, ayun, nagbubura*.

Kahit na bastos ka pa, sigurado ako, nakagamit ka na ng pambura. Nakaugalian natin, noong mga kindergarten pa tayo, na gumamit ng mga ganitong klaseng aparato upang magtama ng mga lampas na guhit kapag nagsusulat ng letra, upang magtanggal ng mga sulat ng lapis sa dilaw na desk, o kaya naman bilang pacifier ng mga batang gutom. Nung bata ako naalala ko, gumamit din ako ng mga pambura. Mahilig kasi akong magdrowing ng mga tangke-tangke at tau-tauhan habang nagma-Math. Kaya ayun, kailangan kong burahin yung mga naidrowing ko sa padpaper para makakuha ng star.

Ang aksaya ko siguro noon, kung wala akong pambura. Kawawa naman ang mga puno dahil sa pagwaldas ko sa papel dahil lumampas lang sa red-blue na guhit ng padpaper yung buntot ng "y", mga ganun. Kaya naman natuwa na rin ako sa pagkakaimbento ng pambura. At least may magandang mensaheng itinuturo sa atin ang napakasimpleng gamit na ito.

"Much like the eraser on a pencil, we can also correct most of our mistakes." Ito yung napakapamosong aral tungkol sa pambura ng lapis. Na kung iisipin mo, tama naman talaga, at napakagaling ng taong nag-isip ng bagay na ito. Kaso, para sa akin, hindi na ito lubhang epektibo dahil gasgas na. Tatlong retreat na ata ang napuntahan ko, at ito mismo ang laging ipinapahiwatig ng bawat isa. Ang buhay ay may pambura kaya wag kang matakot na magkamali.

Isang nakakatakot na pag-iisip na tipong wawasak sa lahat ng pilosopiya ng buhay. Dahil tila may nalilimutan ang bawat isa sa atin sa paggamit ng walang kamatayang pambura. Ang pambura ay practice lang. Hindi ito unlimited. Ang lapis may pambura, pero ang pambura walang lapis. Okay lang magbura, pero kung patuloy mong buburahin ang mga pagkakamali, mauubusan ka din. Nadudumihan ka rin habang nagbubura ka, nababawasan ka rin. At iyon ang katotohanan. Hindi lahat ng papel tinatanggap kapag may bura na. Hindi lahat ng pambura nagagamit pa rin kahit marumi na. Wag mo nang hintaying marumihan ka pa, o maubos ka pa bago ka matuto. At lalong wag kang magbura ng hindi mo pagkakamali, kase baka maubusan ka para sa sarili mo. Sayang.

No comments:

Post a Comment