Friday, March 4, 2011

Insensitivity 1000

Hindi ko alam kung paano ko ba mailalarawan ang sitwasyon na kinabibilangan ko ngayon. Dahil hindi kaya ng konsensiya ko na maging "asset" sa isang krimen. Kung alam mong mali, syempre malamang pipigilan mo. Hindi kaya ng konsensiya ko na manood na lang sa gagawin ng kapwa ko, lalo na kung may buhay tayong pinag-uusapan dito.

Ayokong makialam, ayokong mangaral at lalong ayokong magmalinis. Ayokong magsalita ng hindi ko naman kayang panindigan at sawa na rin ako sa pag-aayos ng mga bagay na wala naman talagang kinalaman sa akin. Hindi rin naman ako natutuwa sa inaasal ng mga tinutulungan kong tao. Pero wala naman akong magawa. Kase nakasanayan ko nang makialam. Dahil sa simpleng pangaral ng tatay at nanay ko na maging aware sa mga nangyayari sa paligid ko, medyo lumakas ang pakiramdam ko kung may mali sa paligid ko, at lalo kung may nasasaktan sa paligid ko.

Nakakaawa at nakakainis. Yan ang nararamdaman ko kung may kaibigan ako na nasasaktan o kaya pinagtutulungan. Lahat naman siguro mararamdaman yan. Dahil likas naman sa'tin ang kabutihan. Kaso lang, nakakainis lang kung bakit kailangan pa natin talagang saktan yung kapwa natin, para maipakita ang tamang halimbawa o tamang pag-iisip. Hindi porke yan ang alam mong tama, isisigaw mo na. Matuto kang makiramdam at alamin ang pakiramdam ng nakakarami, dahil hindi lang ikaw ang tao sa mundo. Hindi lahat ng tao, makikita ang gusto mong makita base sa lente na pinagtitingnan mo. Ipakita mong hindi ka kinulang sa edukasyon. Hindi porke ganoon ang ugali mo e, wala ka nang pag-asang mabago. Hindi porke prangka ka e, hindi mo na mapipigilan ang sinasabi mo. Bawat salitang binibitawan ng tao, e pwede ring makapatay.

Ang labis na pagpapahalaga sa sarili ay hindi nagiging basehan ng mabuting pagkatao. Ang pakikipagkaibigan ay hindi nagtatapos sa pagsasabi ng mali ng isang kaibigan upang maipahiya. Sana kung ayaw mong gawin sa'yo ang isang bagay, wag mo ring gawin sa iba. Wag kang magtakip ng tenga kung hindi mo pa naririnig ang lahat ng sasabihin ng isang tao. Sana hindi mo ilagay sa iyong kamay ang paghuhusga sa mga masasamang tao sa lipunan.

Hindi ka Diyos, at lalong hindi rin naman ako. Pero kilala kita, malamang na huhusgahan mo na naman ako at hindi titigilan ng mga patutsada mong hindi ko alam kung may pinaghuhugutan ka o kung anuman. Bilang isang nagmamalasakit, ay gusto kong ipaabot sa iyo na hindi ikaw lang ang tao sa mundo, at hindi titigil ito kung kailan mo naisin. Darating ang panahon na kakailanganin mo rin ang mga taong hinuhusgahan mo, at sana hindi ka nila itrato ng gaya ng pagtrato mo sa kanila.

No comments:

Post a Comment