
Ang Pilipino pag nahihirapan sa isang sistema, nagrereklamo, pag nalalagay sa alanganin, nagaalsa , pero pag umaayon ang lahat sa kagustuhan nila, kahit mali, ok lang, ang pinahahalagahan ay yung pangsarili lang na inaakala nilang pangkalahatan.
Mga katagang hindi ko alam kung saan ko napulot. Hahaha. Joke lang. Statement ito ng isa sa mga pinaka-idol ko sa school. Oo, idol ko yun, kahit ayaw mong maniwala. Idol, as in ehemplo, pamantayan. Ganoon. At sobra akong nainspire sa grupo ng mga salitang ito na sa tingin ko naman ay tama.
Ngunit, subalit, datapwat, mas epektibo sana ang mga salitang ito kung isinasaalang-alang kung saan ba ito ginagamit. Nakakahiyang isipin na tila na-rush sa pagpost si idol sa paglalagay ng status na ito sa kanyang Facebook account. Na secret na lang kung paano ko nakita kase nakablock ako sa account ni idol. Ilang bagay lang sana ang kanyang naisip kung sanang nakapag-muni-muni muna siya bago magpost ng mga "matalinghagang" salitang ito.
Basahin mong paulit-ulit. Hindi ba totoo naman? Ganyan talaga ang ugaling Pinoy. Astig. Petiks kapag hindi nahihirapan. Okay lang ang lahat, pero ngangawa na pag nahirapan ng kaunti. Kaso kung ganyan ang iniisip ko, malamang magalit sa'kin yung mga HEKASI teacher ko noon. Baka sabihin wala akong natutunan kay Mam Jenny Granale at Mam Cynthia Anonuevo. Baka sabihin natutulog lang ako sa klase nila, na hindi kailanman nangyari, dahil lagi akong busy noon na mang-asar ng mga seatmate kong babae. Kase kung iisipin mo, hindi tatagal ng 300 years ang pagkakasakop ng mga Kastila sa Pilipinas kung umaangal kaagad ang mga Pilipino. Isipin mo na lang kung paanong pahirap ba ang polo y servicio at encomienda mga Pilipino noon. Pero dahil matiisin ang mga Pilipino, natiis ng mga tao ang pangagago ng mga Espanyol sa buwis noon. Huwag mong sabihin sa aking petiks ang polo y servicio at encomienda. At hindi mo din maikakaila na sistema ang tawag dun.
Pero past is past, ika nga. Ang mga Pilipino noon, iba ngayon. May katarantaduhang ugali na nahybrid dahil sa mga ilang taong ang tingin sa mga nagrarally ay subersibo at ang tingin sa kanilang mga sarili ay masisipag na indibidwal na walang inaagrabyado kahit na sino. Kawawa naman ang mga demonstrador sa UP. Ikinakahiya sila ng harabas na pagbibigay ng opinyon ng mga taong napakalaki ng tingin sa kanilang sarili. Kawawa naman ang kapatid ko, na nahihirapan sa isang sistema, at nagrarally sa Mendiola. Siguro kung kapatid ni idol ang kapatid ko, sasabihin niya mag-aral na lang ng mabuti at umasang mapalitan ang sistema. Dahil ang pagrarally o ang pag-aalsa ay isang kamangmangan ng mga taong walang talinong tulad ni idol.
Kung sabagay, pansarili nga naman ang ipinaglalaban ng kapatid ko. Iskolar kase ang kapatid ko at makakaapekto sa allowance niya ang budget cut. Nakakainis isipin, pero may bahid ng katotohanan. Kawawa naman siya. Gusto lang niyang maipaglaban ang pagpapatigil ng budget cut sa edukasyon. Na para kay idol ay isang pansariling mithiin. Ano kaya? Ano bang pakialam ng kapatid ko sa mga ibang nag-aaral sa UP? Kilala ba niya ang lahat ng iyon? Naalala ko pa nga yung kwento niya sa akin, na marami daw ang mayayaman na nagrarally. Anak ng dentista, abogado, doktor at mga inhinyero na merong gustong maipaglaban. Gusto nilang ipakita na ang sistema ng pagputol ng budget sa edukasyon ay makakaapekto ng malaki sa ating lipunan. Pero wala tayong magagawa. Delingkwente ang tingin ni idol sa mga nagrarally sa kalsada, nakikipaglaban para sa kanilang opinyon at iba pa.
Tila nalilimutan ni idol ang kanyang kalayaang tinatamasa ngayon. Bunga ito ng mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang reputasyon para sa inaakala nilang tama. Hindi sila natakot na matawag na rebelde at mga taong may hidden agenda. At para sa kapatid ko, hindi nya ikinakahiya ang pagrarally. At lalong hindi ko siya ikinakahiya kase nagrarally siya. Hindi ko siya masisisi. Para sa kanya, ito ang paraan ng pagpapakita ng kapangyarihan sa maliit na paraan. Hindi bobo ang kapatid ko para magrally ng mag-isa. Hindi siya tanga para matawag na tamad na estudyante. Hindi rin natutuwa ang kapatid ko pag sinasabihan siyang "Mag-aral ka na lang.". Pero wala. Hindi sila uupo sa classroom para mag-aral kung alam nila ang masamang epekto ng ganitong programa ng pamahalaan. Hindi sila makakapagconcentrate mag-aral sapagkat maiisip nilang ang mga pinaghirapan nilang mga aralin sa school ay mababawasan ang kalidad dahil sa solusyong halos hindi pinag-isipan ng mga nakaupo sa pwesto sa pamahalaan. Sobra na lang ang kanilang pag-aalala para sa kapakanan ng nakararami upang maitulak sila sa kalsada sa pagrarally. At ang tawag sa kanilang mga lumalaban para sa kapakanan ng iba laban sa bulok na sistema ay may sariling interes at hangarin.
Sino sa tingin mo ang mga makasarili? Kung hindi sila magrarally, malalaman mo bang may budget cut sa edukasyon? Malamang hindi. Hindi mo rin malalaman kase hindi ka interesado. Hindi ka interesado kase wala kang pakialam. Hayan. Ganyan ang mga taong nag-iisip sa kapakanan ng iba.
Kung ako ang magbibigay ng argumento, maiisip kong saka na lang ako lalaban sa sistema kapag stable na ako o kaya naman kapag may makikinig na sa aking sasabihin. O kaya naman, wala rin namang magbabago kahit na magrally pa ako at magbigay ng mga sulat sa kinauukulan. Isang halimbawa ng mga katarantaduhang ugali na nakikita ko sa panahon ngayon: chronic procrastination. Kaso iba ito, kase limang taon o kaya sampung taon ang pagitan. Anong gagawin mo sa loob ng ilang taong hindi ka pa lumalaban? Oh, come on. Alam ko na, malamang inuuna mo ang mga pansarili mong layunin.
Kawawa naman ang mga Pilipino. Dahil umaangal lang kapag nahihirapan at naglulumunoy sa bulok na sistema kung nakikinabang. Tanungin mo nga ang sarili mo, idol. Di ba Pilipino ka rin? Sa tingin ko, hindi naman ikaw ang nahihirapan kase, hindi ka naman umaangal. At dahil Pilipino ka, isa ka sa mga nagtatampisaw sa bulok na sistema kase nakikinabang ka. Ikaw na rin ang nagsabi tungkol sa mga ugali ng mga Pilipino. Sayong keyboard na rin mismo nanggaling ang mga binitiwan mong kataga.
Kuntento ako sa mga palakad sa school. Kahit na mahirap, alam ko ang dahilan kung bakit dapat mahirapan. Nararamdaman ko ang punto kung bakit pinapahirapan ang mga estudyante. May mga nagsasabing hindi makatarungan pero, sang-ayon ako sa mga binhing itinatanim sa atin ng ating mga propesor.
Subalit, sapagkat estudyante rin ako, naiintindihan ko ang hinaing ng mga kapwa ko estudyante rin. May punto rin sila, pero wala ako sa lugar manghusga kung sino ba talaga ang tama sa kanilang dalawa.
Pero si idol yata ay nasa lugar para humusga. Matalino siya at gustong isampal sa inyong lahat na ang kasipagan niya ang nagdala sa kanyang tagumpay. Gusto niyang sabihin sa ating lahat na hindi hadlang ang sistema para sa ikauunlad ng kung sino man. Tama naman. Hindi naman talaga hadlang ang maling pamamalakad to overcome all odds. Kung masipag ka lang at dedicated tulad ni idol, kakayahan lang ang magdadala sa iyong tagumpay. Hindi mo kailangang mag-rally para makagraduate. Hindi mo kailangang gumawa ng kung anu-ano para magkaroon ng kung anong meron ka ngayon. Maswerte ka't pinapaboran ka ng tadhana, pero hindi lang ako sigurado kung yun lang ang pumapabor sa iyo. May pumapabor man sa iyo o wala, hindi maiaalis sa iyong katauhan ang pagkamakasarili at pagkawalang utang na loob sa kalayaang tinatamasa mo ngayon. Hindi ko mapapatawad ang pang-aalipusta mo sa kadakilaang pinapakita ng ibang taong gustong maipaglaban ang para sa ikabubuti ng iba. Kung sabagay, hindi mo talaga maiintindihan ang bawat isang salitang isinulat mo, lalo na kung wala kang ipinaglalaban kundi ang sarili mong kapakanan.