Monday, November 8, 2010

Memento Mori
















"Remember that you must die."

Ang saya ng buhay. Lahat ng nakuha mo, mawawala na lang bigla. Pagkatapos ng lahat ng paghihirap mo para makagraduate, maiipit na lang bigla yung ulo mo sa microwave, tapos mamamatay ka. Pagkatapos mong manalo ng 300 million sa lotto, bigla ka na lang mababagsakan ng kung ano sa ulo at mamamatay. Kung paanong naipit yung ulo mo, at kung ano yung bumagsak sa iyo, hindi ko na alam. Pero isa lang ang alam ko, tiyak ako, mamamatay ka rin. Hindi sapat yung panonood mo ng bampira-bampira diyan para maging imortal. Kahit ilang litro pa ng dugo ang inumin mo, hindi ka makakatakas sa bestfriend mo. At yun nga si Kamatayan.

Bakit kailangan mo pang maghirap gayong mawawala rin naman? Bakit pa di ba? Bakit ka pa tataya sa lotto? Bakit ka pa mag-aaral? Kung sa isang iglap lang, mawawala ka rin naman. Sayang naman yung 20 years na ibinuhay mo kung pagdating mo ng 21 e, mabubulunan ka ng lechon sa birthday party mo. Kaya naman ganoon na lang kasigasig ang mga mananaliksik natin upang mapahaba ang buhay ng tao. At gayun din naman kasigasig ang kalikasan na magpadala ng lahat ng uri ng sakit upang ipaalala sa atin ang ating mortalidad. Kung dati, tigdas-tigdas lang, trangkaso at saka sipon ang sakit, ngayon, umisip ka lang ng parte ng katawan mo, dugtungan mo ng "cancer", sakit na yun. At hindi sila napapagaling ng mga hot compress, maraming tubig at pahinga. Libu-libong piso pa ang kailangan para lamang mapabagal ang pagkalat ng sakit. At sadyang hindi natin maiintindihan ang kabalintunaang ito, kung saan nagtatrabaho tayo upang makaipon para sa hinaharap, gayong ang hinaharap nating kamatayan ay hindi naman natin pinanghahawakan.

Ang saya ng buhay. Pero marahil tama sila. Silang gustong magbaril sa sentido, magbigti sa double deck, magpigil ng hininga, o kung bakla ka, maglaslas ng pulso. Kasi hindi na nila alam ang gagawin sa buhay nila at hindi rin sila sigurado sa hinaharap kaya yun na. Kalahating segundo lang tapos na. O kung nagbigti ka, siguro mga 15 minutes at medyo masakit pa. Ang proproblemahin na lang ng mga naiwan mo e, yung kabaong mo, yung lote na paglilibingan mo, pero pagkatapos nun, pahiga-higa ka na lang. Panood-nood ka na lang sa mga tao, depende nga lang sa'yo kung sa upper box ka o sa lower box ka nakatingin.

Ang saya ng buhay. Sayang din naman kung wawakasan mo di ba? Marami ka pa sanang gustong maranasan. Ako nga, marami pa e. Kasama na diyan yung pag-graduate, pagkakaroon ng maraming pera, at pagbabonding kasama ng pamilya, na hindi ko magagawa kung nagbaril ako sa ulo. Kahit na hindi ako sigurado kung aabot ba ako ng graduation ko, kung mananalo man ako sa lotto o makapagpapakasal sa mayamang babae, o kung kumpleto pa kami pag naisipan kong makipagbonding sa pamilya ko, nandoon pa rin ang pag-asa na mangyayari ang lahat ng ito. Kahit na hindi ko pinanghahawakan ang hinaharap, naniniwala pa rin ako na makakamit ko ang aking kasiyahan sa buhay na hindi ko kailangang magbigti or whatsoever. Kasi nga naman sayang. Malay mo di ba?

Kung ako nga na hindi gagraduate ngayong sem na ito, may pag-asang mabuhay, ikaw pa kaya? Hindi ako nakikipagpaligsahan ng hirap. Sinasabi ko lang at ipinakikita sa iyo ang pag-asang kailangan mo. Sapagkat sa mga pagkakataong wala kang kasiguraduhan sa mga nangyayari sa buhay mo, kailangan mo lang ng determinasyon at inspirasyon para makatuloy. Hindi mo kailangan ng pera at diploma para ipagpatuloy ang buhay mo. Sapagkat ang tagumpay ng tao ay hindi nasusukat sa numero at marka. Hindi halatang ayoko sa Math pero, marami na rin ang makapagpapatunay sa sinabi ko.

Ang dami mong pwedeng gawin. Hindi ang numerong "5.00" ang nagdidikta sa buhay mo. Kahit na sabihin mong anim pa yan, hindi yan dapat makapagpatigil sa tibok ng puso mo. Bobo ka man sa tingin ng marami, o pabaya ka man sa tingin sa magulang mo, hindi yan ang halaga mo bilang tao. Umapaw man ang panghihinayang mo sa sarili mo, o parang wala lang sa iyo, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Sapagkat ang saya ng buhay.

No comments:

Post a Comment