Thursday, December 30, 2010

Resolutions for 2011





















Eat less. Simple lang. Kase overweight ako. Gusto ko maging healthy ulit. Saka mas maganda ang fit ng damit kapag payat. Saka naiinggit na rin ako sa porma ng kapatid ko. Gusto ko rin ng ganun.

Spend less. Malamang. Wala na kasi kaming pera. Baon pa si Mama sa utang sa credit cards at mga mamang nakamotorsiklo na dumadaan sa tindahan namin. Kaya bilang tulong na rin kay Mama, babawasan ko na ang paggimik, dahil hindi ko naman talaga kailangan yun.

Talk less. Hindi lahat ng tao e, makikinig sa lahat ng gusto mong sabihin, kaya iwas pahamak na rin, wag na lang magsalita at matutong tumahimik. Dahil kahit kailan, mahirap magmalasakit sa taong hindi marunong makinig. Sayang lang.


Listen more.
Mas madali akong nakakapagformulate ng decisions kung nakikinig ako sa dalawang panig. Bilang isang well-rounded na indibidwal, kailangang hindi dapat nagmamadali sa pagpaplano o paggawa ng isang bagay. Kailangang pakinggan ng mabuti ang mga babala at payo ng mga taong nakadaan na sa landas na pupuntahan ko.

Do more. Sawa na rin naman ako sa kakasalita ng mga dapat kong gawin. Siguro ay dapat na akong kumilos upang makapagsimula ng mga dapat kong gawin sa buhay. Sayang kasi ang oras, kaya isasama ko na din sa resolusyong ito ang paggising ng maaga upang maging mas produktibo sa mga gawain.


Pray more.
Eto ata yung kulang ko nung isang taon kaya hindi masyadong smooth ang 2010 sa'kin. Saka sa tingin ko, wala akong magagawa sa mga unang nabanggit kung hindi ko isasagawa ang huling resolusyon.

Saturday, December 25, 2010

Two Faces of the Same Coin
















Ang boring pala ng pelikula kapag walang kontrabida.
Walang debate kung puro affirmative ang nagsasalita.
Walang pwersa kung walang sumasalungat.

Ilan lang yan sa mga nakikita kong importansya ng argumento sa ating buhay. Maging pelikula man yan, debate o pisika, para bagang nakakatulong ang argumento sa ating buhay. Mas masaya naman talaga ang lahat kapag may dalawang panig. Maging mainit man ito o malamig, sumasang-ayon o hindi, malaki o maliit, o ang pinakapangkaraniwan at pinakasikat sa lahat, ang kabutihan o kasamaan. Oo, iyan ay makikita mo sa bawat pelikula, bawat yugto ng buhay ng tao, o maging sa mga nobelang binabasa mo sa bahay mo.

Pero hindi ako magsasalita kung saang panig ba ako. Kase alam ko naman kung saan talaga ako pupulutin. Yun nga lang, ayoko lang na hindi ako desidido sa bawat hakbang na ginagawa ko. Ang mahalaga lang naman kasi ay hindi kung mabuti o masama yung ginagawa mo. Ang mas dapat mong problemahin, e kung handa ka ba sa mga kakaharapin mo sakaling magpakabuti ka o magpakasama.

Mahirap magpakasama. Akala mo ba ganun lang kadali yun at yayaman ka na agad? Hindi yun gaya ng inaakala mo. Marami ka ring pagdadaanang hirap at sakit. Hindi porke masama ka e automatic, yayaman ka na agad o giginhawa ang buhay mo. Hindi yun package deal. Pinaghihirapan din ng mga masasamang tao ang mga nakukuha nilang yaman at salapi. Ang hirap kaya kalimutan ang konsensya na pilit na bumabagabag sa iyo gabi-gabi? Kahit na sabihin mong bingi ka pa, hinding-hindi mo pa rin matatakasan sa sarili mo, na alam mong masama ang ginawa mo. Kaso kapag nakuha mo na ang kapital mo sa paggawa ng masama, e okay na. Tiyak tuluy-tuloy na ang pagdaloy ng salapi. Kung itatanong mo sa'kin kung anong puhunan yun, e napakasimple lang naman. Konting yabang lang.

Mahirap din magpakabuti. Akala mo ba ganun lang kadali yun at makukuha mo na ang simpatiya ng karamihan? Marami ka ring pagdadaanang hirap at sakit. Hindi porke mabuti ka e automatic, giginhawa na ang buhay mo at makikisimpatiya na ang mga tao sa iyo. Hindi yun package deal. Pinaghihirapan din ng mga mabubuting tao ang mga nakukuha nilang yaman sa langit. Ang hirap kaya labanan ng tukso na pilit na bumabagabag sa iyo gabi-gabi? Kahit na sabihin mong bingi ka pa, hinding-hindi mo matatakasan sa sarili mo, na alam mong naghahangad ka pa ng ibang bagay. Kaso kapag nakuha mo ang kapital sa paggawa ng mabuti, e okay na. Tiyak tuluy-tuloy na ang pagdaloy ng kayamanan sa langit. Kung itatanong mo sa'kin kung anong puhunan yun, e napakasimple lang naman. Konting kababaang-loob lang.

Napakasimple at napakalinaw. Maayos ang pagkakaplantsa ng mga detalye tungkol sa kabutihan at kasamaan. Kung iisipin mo lang ng mas malalim at mas taimtim, tiyak ko, kaya mong makita ang dapat mong puntahan. Kaya good luck na lang sa maswerteng mapipili mong landas. Kaya mo yan.