Tuesday, September 6, 2011

Flagbearer
































Matagal ko nang pinag-iisipan kung ano ba talaga ang silbi ng flagbearer sa giyera. Hindi ko lubos maisip na para lang ipakita ang flag nyo e, magpapabaril ka sa mga sundalo, o kaya naman ay mangunguna para mamatay. Kaya minsan, naiisip kong may pagka sintu-sinto din itong mga flagbearer na ito. O kaya naman may malaking problema sa buhay. O kaya naman, baka broken-hearted.

Pero bigla ko na lang naisip na, na nasa ganito din pala akong sitwasyon. Nasa frontline lagi. Kahit hindi naman ako considered na kasali sa isang giyera. Ako ang flagbearer. Laging may dala ng simbulo. Laging natuturong lider o promotor sa kahit anong gawain. Ang laging nagpapalakas ng loob ng mga teammates o mga kaibigan lalo na kapag may giyera o may problema. Laging sumasalo ng bala para sa iba.

Pero nakakapagod din pala pag lagi kang frontline. Ikaw ang nasisisi, nadidiin at napapagalitan kapag may napurnada. Kapag may pumalpak, ikaw kaagad. Kapag may away, ikaw ang unang hahamunin ng suntukan. Kapag may sisiraan, ikaw lagi ang inuunang bweltahan. Pero wala naman akong magawa. Tinuruan akong magtiis, makinig lang at wag gumanti. Natutunan kong magpasensya, magparaya at mag-isip muna sa bawat paratang at bintang na binabato sakin. Kahit parang nakakasawa ng gawin, okay pa rin sakin. Kase kung walang iintindi, sinong gagawa nun di ba?

Sana lang isipin nating mabuti ang bawat ginagawa natin, bago tayo sumabak sa isang giyera. Hindi lang ikaw ang may karapatang magpuyos sa galit at mambintang sa iba. Wag kang gagawa ng kalokohan na hindi mo kayang panagutan. Tapos pag nagkabistuhan, si flagbearer agad ang may kasalanan. Alam mo naman siguro kung anong ibig sabihin ng responsibilidad. Kung may nagawa ka,umamin ka. Parang awa mo na. Sawang-sawa na akong sumalo ng bala para sa'yo. Gayong kahit bato ay hindi mo kayang sumalo para sakin.