
Simple lang naman ang mga pangarap ko sa buhay.
Maging isang lisensiyadong inhinyero.
Magkaroon ng sariling bahay at lupa.
Magkaroon ng sasakyan na gagamitin sa pang-araw-araw na lakad.
Mapag-aral ang bunso naming kapatid.
Mapagtapos ng medisina ang ikatlo kong kapatid.
Magkaroon ng trabahong marangal at maipagmamalaki.
Magkaroon ng pagkakataong makatulong sa iba, gamit ang mga biyayang pinagkaloob sa akin.
Magkaroon ng pagkakataong maibahagi sa iba ang kaalamang natamo ko sa karanasan at kaisipan.
Mabigyan ng maginhawang buhay ang aking mga magulang.
Sa unang tingin, simple lang talaga ang mga bagay na ito, subalit may kaakibat itong napakalaking responsibilidad. Dahil bawat isa sa mga ito ay nangangahulugan ng kasiyahan ko sa buhay.
Hindi madali sa karamihan sa atin na hanapin ang kaligayahan sa buhay, dahil marami ang hindi makuntento sa kung ano ang mayroon sila. At marami rin ang mga tao na hindi alam kung anong bagay ba talaga ang makapagpapasaya sa kanila. Kung sa mga bagay na ito ay wala tayong kasiguraduhan, ay tiyak na hindi natin mararating ang ating hinihiling na kasiyahan.
Sana sa pagkakataong ito, ay makamit ko na ang pre-requisite ng mga pangarap ko. Kailangang makatapos muna ako, bago ako maging masaya. At dahil dito, ibibigay ko na ang lahat ng dapat ibigay para sa aking pag-aaral. Hindi ko na dapat ipasawalang-bahala ang aking kasiyahan, sapagkat kung hindi ko makamit ang isa rito, hindi ako magiging masaya.
Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin pagkatapos kong banggitin ang mga salitang ito, pero... sa pagkakataong ito, kailangang magsakripisyo ako ng ilang bagay upang makamit ko ang mga bagay na ito. At ang first step.
Hindi muna ako magkakagirlfriend. Lahat ng babae ay kailangang maging mesa,armchair, sofa o kaya naman ay kahit anong kasangkapan na hindi makakadistract sa akin sa pagtahak sa lugar na nais kong tahakin. Pero mukhang kailangan kong irephrase ang first step, dahil wala namang may interes sakin na maging boyfriend nila, kaya naman... Hindi na lang muna ako magmamahal ng higit sa pagiging kaibigan.
Good for 5 years ang vow ko. Para rin akong nag-engineering. Dahil alam ko naman na para rin to sa sarili kong kasiyahan. Ito ang paraan ko ng pagselyo sa mga kailangan kong maabot na pangarap.
Good luck and God speed. I'll be 25 then.